Palagi tayong nagbibiro tungkol sa kamatayan
Na kahit simpleng sakit, hirap at pagod
Sinasabi nating "Ayaw ko na"
Sinasabi nating "Tapusin niyo na ko"
Mayroon din tayong mga kilala
Mga taong hindi na kinakaya, nais na lamang mawala
Ngunit aking kaibigan, aking mahal
Huwag ka munang mamatay
Huwag ka munang mamatay
Ang dami pa nating gagawin
Ang dami pa nating pupuntahan
Ang dami pa nating kakainin
Huwag ka munang mamatay
Gagawa pa tayo ng mga tula
Gagawa pa tayo ng mga kanta
Magpapakasaya pa tayo sa bawat salita
Magpapakasaya pa tayong ibahagi sa bawat kapwa
Huwag ka munang mamatay
Mayroon pa tayong nakaplanong mga lakad
Ang dati nating tinuring na katha
Gawin na nating realidad
Mga lugar na dating hirap abutin, puntahan na natin
Huwag ka munang mamatay
Kase 'di mo pa ko nililibre
'Di pa tayo nakakakain ng pinagmamalaki mong karinderya
O kahit ang simpleng foodtrip sa lane na sikat sa hepa
Huwag ka munang mamatay
Dahil 'di pa tapos ang kuwento mo
Ang dami mo pang gagawin, ang dami mo pang aabutin
Ang dami mo pang puwedeng mahalin
Huwag ka munang mamatay
Kasi andito pa ako
Ika nga sa gasgas na linya
Mamahalin pa kita
Huwag ka munang mamatay
Andito pa kami
Papagtripan ka pa namin
At yung pangako mong inom? Aming aantayin
Huwag ka munang mamatay
Dahil 'di mo pa nakukuha ang gusto mo
Habulin mo muna yun,
Para maranasan mo yung pagiging kuntento
Ako bahala sayo
Sabay nating hahanapin ang kasiyahan sa buhay
Basta ipangako mo lang sakin
Huwag ka munang mamamatay